Monday, November 4, 2013

Paggunita sa kagitingan at sakripisyo ng mga biktima ng sapilitang pagwala -FIND

Photo by FIND
Ngayong ika-1 at ika-2 ng Nobyembre muli na namang gugunitain ng buong bansa ang mga yumao nating mahal sa buhay. Mapupuno na naman ang lahat ng sementeryo upang muling pagnilayan ang mga makabuluhang alaala at pamana ng mga yumao. Kasabay ng pagpupugay ay ang panalangin na sana ay nasa matahimik na silang kalagayan.

Kakaiba ang undas sa mga pamilya ng biktima ng sapilitang pagwala. Ang mga pamilya ng mga desaparecido ay walang puntod na dadalawin, dahil hanggang sa ngayon ay di pa rin alam ang kinasapitan at kinalalagyan ng mga iwinalang mahal sa buhay. Ang kalagayang ito ang nagbubunsod na magtipon tuwing ika-2 ng Nobyembre ang mga kaanak, kaibigan, mga biktimang lumitaw na buhay at iba’t-ibang organisasyon ng karapatang pantao sa Bantayog ng mga Desaparecido (Flame of Courage Monument). Ito ang nagsisilbing bantayog na nagpapaalaala sa kagitingan, sakripisyo at talinong inialay sa bayan ng mga biktima ng sapilitang pagwala.



Ang kanilang isinakripisyong buhay ang naging inspirasyon sa pagsasabatas ng Anti-Enforced or Involuntary Disappearance Law (R.A. 10353), ang batas na ginawang krimen ang sapilitang pagwala. Ang tagumpay na ito ng ating pakikipaglaban para sa katarungan ng lahat ng mga biktima ng sapilitang pagwala ay isang hakbang tungo sa lipunang may hustisya at paggalang sa karapatang pantao .

Sa araw na ito, muli na namang magsasama-sama ang mga kapamilya, kapuso at kapatid ng mga desaparecido sa Bantayog sa bakuran ng Redemptorist Church sa Baclaran upang sariwain at ipagdiwang ang kanilang buhay at alalahanin ang mga gintong aral na iniwan nila sa atin.

Gamitin nating sandata ang R.A. 10353 na ating napagtagumpayan upang mapanagot ang mga indibidwal na gumawa ng sapilitang pagwala at ang Estado na nagpikit-mata sa harap ng krimeng ito. Tiyakin natin na ganap na maipatupad ang batas na ito, hindi lamang upang maparusahan ang mga may sala, ngunit upang matiyak na wala nang ibang magiging biktima ng sapilitang pagwala at mabigyan ng karampatang reparasyon ang mga biktima at kanilang pamilya. Pilitin din natin ang Aquino administration na kagyat na pirmahan ng Pilipinas at ratipikahan ng Senado ang International Convention for the Protection of All Persons from Enforced Disappearance.

No comments:

Post a Comment

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...

support hronlineph

Visit Human Rights Online Philippines

Visit Human Rights Online Philippines
articles and blogs on human rights